Tuesday, October 23, 2012

Anak Ng Jueteng!

Image Source:  Tacloban Hotels.com 

Hindi na natapos-tapos ang telenobela ng pangungurakot sa Pilipinas. At ang masaklap dito, parang nagiging pandayan ng pangungurakot ang sistema ng gobyerno na kung saan ang mga taong dati mong hinahangaan ay biglang nagiging bahagi ng mga katiwalian at eskandalo pagkatapos magkaroon ng posisyon dito.  Hindi ko naman nilalahat, siyempre. Marami din namang mga nananatiling matitino. Pero nakakabahala din ang bilang ng mga nauupo sa katungkulan na nagiging bahagi ng kultura ng pangungurakot. Kung baga, hindi na talaga puwedeng dedmahin na lang ang mga ito.

Kamakailan, naging usap-usapan ang kare-resign lamang na Undersecretary of Interiors na si Rico E. Puno dahil sa bintang na may kinalaman daw ito sa pagtatakip ng ebidensiya na maaaring magpatunay sa mga iregularidad na kinasasangkutan ng Philippine National Police sa mga auction ng firearms. May mga alegasyon ding kumakalat na may kinalaman daw si Puno sa pagpapalaganap ng ilegal na sugal na jueteng.  Bago pa nangyari ito, napatalsik naman ang dating Chief Justice na si Renato Corona sa paratang na violation of the constitution and betrayal of public trust dahil sa umano'y hindi paglalahad nito ng tunay niyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Dahil din dito ay kasalukuyan siyang hinahabol ng Bureau Internal Revenue (BIR).

Image Source:  Tacloban.com

Ang dalawang nakaraang pangulo ng bansa ay nasangkot din sa kung anu-anong chuvanes at anomalya. Kailan lamang ay nakasuhan ng electoral fraud ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Naging aliwan ng sambayanang Pilipino ang scandal na tinaguriang “Hello Garci” na kung saan may sumulpot na voice recording na nagpapatunay na iniimpluwensiya ng dating pangulo ang resulta ng eleksiyon. Naging malaking usapang-bayan ang iskandalong ito at totoo naming napakalakas ng entertainment value. Matatandaan din natin na si Macapagal-Arroyo ang pumalit kay dating pangulong Joseph Estrada nang ito ay mapatalsik naman dahil sa kasong bribery and corruption.


Image Source: HealingEye
Ayon sa isang artikulong inilathala noong January 13, 2011 sa GMA News Online na pinamagatang US Think Tank: Corruption Makes PHL Economy 'Unfree,' inilahad daw sa 2011 Index of Economic Freedom na ang Pilipinas ang tumanggap ng pinakamababang marka sa kategoryang “Freedom from Corruption.” Paano nga namang hindi bababa ang marka ng Pilipinas eh sunod-sunod ang mga iskandalo nito na para bang mga kabanata sa isang telenobela?  Di ba super exciting at ang saya? Ang sabi nga nila: “Politics: It’s More Fun in the Philippines.”

Parang lumang tugtugin na ang payong ito, pero kailangan pa ring paulit-ulitin. Kailangan nating tanggalin ang kultura ng korupsyon sa bansa. Kailangan nating maging mapagmasid sa kilos ng mga may katungkulan upang ating masigurong parating nauuna ang kapakanan ng bayan. Kailangan nating tumigil sa pakikipagsayaw sa mga maling pamamaraan ng mga koruptong opisyal at kapit-bisig nating ipaglaban ang tama. Kung nais nating umunlad, kailangan nating isipin ang kapakanan ng nakararami at hindi ng sarili lamang.

███ ████ ██ [Blog title blocked] (R.A. No. 10175 and the people who don’t ██ing care)

Image Source:  SmokeBear

Ano nga ba ang mas nakakashokot?  Ang R.A.10175 ba o ang pangdededma ng mga tao sa mga batas na isinasampal sa kanila na katulad nito?  Walang dudang kailangang matakot tayo sa mga balasubas na mambabatas at kailangang bantayan natin ang garapalang pagsalakay sa ating karapatan ng mga ito.  Pero kailangang matakot din tayo sa mga kababayan nating walang pakialam sa mundo.  Sabi nga ni William Osler, isang Physicist na taga-Canada:  “By far the most dangerous foe we have to fight is apathy - indifference from whatever cause, not from a lack of knowledge, but from carelessness, from absorption in other pursuits, from a contempt bred of self satisfaction”   Jumising na kayo mga kababayan!

Ang R.A. 10175 o Cybercrime Law ay ang batas na pinirmahan ng pangulo ng Pilipinas noong September 12, 2012.  Ayon sa chika, ang purpose daw ng batas na to ay para magbigay-proteksiyon daw sa mamayan laban sa mga tinatawag na “cybercrimes” (Charing!).  Para sa mga wiz pa knowing, ang ilan sa mga tinataguriang cybercrimes ay ang illegal access, illegal interception, data interference, system interference, misuse of devices, cyber-squatting, iba pang computer-related offenses na tulad ng computer-related forgery, fraud, theft, at mga content-related offenses na tulad ng cybersex, child pornography, unsolicited commercial communications, at libel.  Gets nyo?

Image Source:  Tao Po! (Photo by: Teki Diaz)
Iba’t-iba ang naging reaksiyon ng mga tao nang lumabas ang batas na ito.  May mga natuwa, may mga nagtaas ng kilay, may mga napatili, may mga na-high blood, at meron din namang mga tumili ng MA-AT-PA! Para sa mga lingusitically challenged sa baklese (gay linggo), ang ibig sabihin ng ma-at-pa ay malay ko at pakialam ko.  Ang isa sa pinakamalaking kritisismo ukol dito ay ang kalabuan ng pagkakasulat nitech at ang di-umanong pagsingit ni Tito Sotto ng seksiyon tungkol sa libel sa huling sandali bago ito mapirmahan na para bang si Cinderellang naghahabol sa oras bago siya magbagong-anyo sa pagsapit ng hatinggabi.  Pati nga ang ibang authors ng batas na ito ay mega-deny at wala daw silang kinalaman sa pagsingit ng seksiyon na ito.  Maraming tao at mga grupo ang kaagad na nag-aklas sa paniniwalang ito ay isang uri ng martial law na pailalim na pinakawalan ng mga mambabatas.  Meron ding ilang lantarang sumasang-ayon sa R.A. 10175 na katulad ni Sharon Cuneta, halimbawa.  At marami din namang nagkikibit-balikat na lamang sa paniniwalang hindi naman ito maisasatupad.  Sabi ng iba, sa dami-dami daw ba ng puwedeng kasuhan dahil sa cybercime law na ito, magkakasya daw ba ang mga violators sa kulungan?  Wiz!

Image Source: Luis Liwanag Blog (Photo by: Luis Liwanag)
Dahil sa kalabuan ng pagkakasulat ng R.A. 10175, maraming nagsasabing maging ang simpleng pag-share ng content sa Facebook o ang simpleng pagla-“like” sa isang post na maaaring taguriang libelous ay maituturing na ring krimen.  Kung ganito nga ang magiging pagsasatupad nito, obvious naman na hindi nga magkakasya sa bilangguan ang dami ng magiging potential violators ng batas na ito.  But that’s not the point mga tito at tita. Ang point dito, ang R.A. 10175 ay nagbibigay ng poder sa estado para patahimikin ang sinumang gustong bumatikos sa administrasyon o sa mga kinatawan nito.  In fact, kahit meron pang temporary restraining order ang batas na ito, nangyari na ang kinashohondakan ng ilan sa mga kritiko nito. 

Image Source:  SmokeBear
Ayon sa isang artikulo sa The Inquirer na inihayag noong October 21, 2012,  isang 62-year old na anti-mining activist na nagngangalang Esperlita Garcia ay pinadakip ng mayor ng kanilang bayan na si Carlito Pentecostes, jr. noong October 18  sa akusasyong libelous daw ang post nito sa Facebook patungkol sa isang naudlot na rally sa Gonzaga noong April 30, 2011.  Sabi ni Garcia, kinuwento lang naman daw niya ang mga truliling pangyayari nung araw na naganap ang rally.   Ichinika ni Garcia sa The Inquirer kung paano siya inaresto.  “I am a senior citizen but I was treated like a hardened criminal. They did not even give me a chance to bathe or change from my house clothes. They just dragged me into a car,” ika nya. Matuk nyo 'yun?  Eh kung kayo kaya ang kaladkarin papalabas bago kayo makapag-change costume tingnan natin kundi kayo maibiyerna to the max at magtititili nang walang pakundangan.  Sige nga?  Ang pangyayaring ito, kahit na idown-play pa ng mga tagapagtanggol ng R.A. 10175 bilang isang isolated incident, ay nagpapakita ng mga posibleng mangyari dahil sa batas na ito.

Maraming dahilan kung bakit maituturing nating isang malaking no, no, no ang pagsasabatas ng R.A. 10175.   Wiz ko na kailangang isa-isahin pa ang mga dahilang itech sa blog na ito dahil paulit-ulit na rin naman itong pinag-uututang dila sa maraming blog at pahayagan.  I-google nyo na lang at madali nyong makikita ang mga chuvanes tungkol dito.  Ingat lang kayo sa pag-share at pag-like at baka ipadampot pati kayo. Maaring isipin nyo na biro lang ang sinasabi ko, pero huwag nating kalilimutan na maraming biro din ang nagkakatotoo.  Ilang ESPERLITA GARCIA pa ba ang dapat hulihin para maniwala ang sambayanan na ang R.A. 10175 ay inilalagay sa panganib ang ating freedom of expression?  Kailan natin maiintindihan na sa ating pagsasawalang-kibo ay unti-unti rin nating kinakatay ang ating mga karapatang pangtao?   Hindi lang ang R.A. 10175 ang dapat sisihin sa pagkitil sa ating freedom of speech, kasama na dito ang mga taong nagkibit ng balikat at nagsawalang-kibo.  Apathy kills.


Image Source:  RackedVidz Blogspot





Friday, September 7, 2012

Ang Walang Patumanggang Pang-eepal Ni Padre Damaso




Image Source:  njuice.com

Ilang daang taon na ang nakararaan magmula noong dumating ang mga kastila at sinakop ang mga kapuluan ng Pilipinas sa ngalan ng relihiyon. Pag-alis ng mga opisyales ng Espanya sa bansa, nasakop na din tayo ng iba pang nasyon na katulad ng Estados Unidos at ng Hapon. Marami nang nangyari sa ating kasaysayan. Nakapagdeklara na tayo ng ating “kalayaan.” Pero, ang tanong, totoo nga bang tayo’y nakawala na sa impluwensiya ng Espanya?  O kontrolado pa rin ba tayo ng relihiyong kanilang dinala sa ating bansa? Nakalimutan na ba natin ang nakamumuhing impluwensiya ni Padre Damaso at ng mga katulad nito?

Naniniwala ako sa tinatawag na “freedom of religion.”  Sang-ayon ako na ang bawa’t nilalang ay may karapatang mamili sa kung anupamang gusto niyang paniwalaan basta lang hindi natatapakan ang indibidwal na karapatan ng iba sa pagpapasatupad niya sa kaniyang personal na pananampalataya.  At dahil ang bawa’t mamamayan ay may karapatan sa “freedom of religion,” may responsibilidad ang estado na protektahan ito. Upang magawa ito ng estado, kinakailangang maipakita nito na ang pamahalaan ay walang kinikilingang relihiyon—na ang mga batas at panukala ng estado ay hindi nababatay sa anumang pananampalatayang relihiyoso kundi sa praktikal na pagsusuri sa ikabubuti ng sambayanan.

Image Source:  Borderless News and Views
Sa ilang mga pangyayari kamakailan, maliwanag na ang karamihan sa aparatus ng estado ng bansang Pilipinas ay patuloy na nagpapasaklaw sa impluwensiya ng isang partikular na relihiyon—ang relihiyong Katoliko.  Isang halimbawa na dito ang pagsasangguni ng pamahalaan sa Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa pinagtatalunang R.H. Bill sa senado. Ayon sa isang lathala sa Rappler ni sinulat ni Carmela Fonbuena noong Sept. 4 na pinamagatang Gov't, Church to Draft Compromise R.H. Bill, iniimbitahan daw ng Malacanang ang CBCP upang tumulong sa pagrerebisa ng bill na naturan.

Ang CBCP ay malakas ang pagtutol sa R.H. Bill.  Ang pangunahing dahilan sa pagtutol nito ay batay sa kuwestiyon ng moralidad ayon sa kanilang pananampalataya. Ito ay maliwanag na inihayag ni Jose Palma, Presidente ng naturang organisasyon.  Ayon sa kaniya, ang R.H. Bill daw ay salungat sa mga turo ng Simbahang Katoliko.  Pero sapat na bang dahilan ito para maging basehan sa ating pagpapanday ng mga batas at panukala sa bansa? Dapat din ba silang makialam sa pangangampanya ng mga kandidato ayon sa mga paniniwala ng mga ito? Ayon sa isang report ni Erwin Aguilon ng Radyo Inquirer noong May 15, nananawagan daw ang CBCP na huwag iboto ang mga politikong sumusuporta sa R.H. Bill. Nararapat bang kontrolin ng impluwensiya ng simbahan ang sambayanang Pilipino?  Hindi lahat ng tao sa bansa ay Katoliko at maging ang mga Katoliko mismo ay hindi lahat sumasang-ayon sa posisyong pinaninindigan ni Palma at ng R.H. Bill. Isa sa mga pruweba nito ay ang lantarang pagsuporta sa R.H. Bill ng mga guro na nagtuturo sa mga pamantasang katolikong tulad ng Ateneo at La Salle.

Ang pag-iimbita ng Malacanang sa CBCP sa usaping politikal ay isang maliwang na pagsalungat sa diwa ng “freedom of religion.” Huwag nating hayaang gawin ng estado ito. Kailangan nating maging masigasig sa pagbabantay sa protekisyon ng karapatan ng ating sambayanan.  Huwag nating hayaang masaklaw ng mga pakialamerong katulad ng CBCP at ni Palma ang pagsasagawa ng mga panukala sa bansa. Huwag nating kalilimutan na noong dumating ang mga kastila at sinakop tayo, relihiyon ang isa sa mga ginamit nilang sandata para mapasailalim tayo sa kanilang mga mapanlupig na kamay. Huwag nating hayaan na patuloy na saklawin ng impluwensiya ng relihiyong ito ang mga indibidwal na karapatang pangtao ng ating mga mamamayan. Huwag nating hayaang patuloy na makialam ang mga mae-epal na tulad ni Padre Damaso.

Saturday, September 1, 2012

Babaeng Tigre, Ish Dat U?


Noong nagsisimula pa lang sa pamumuno sa bansa ang dating diktador na Ferdinand Marcos, tinataguriang “Tiger of Asia” ang bansang Pilipinas dahil sa kalakasan ng ekonomiya nito. Matapos kurakutan ni Marcos at ng mga alipures nito ang bansa, nabali ang mga manikuradong kuko ng tigreng ito at bumahag ang kanyang fashionistang buntot. Mula sa title na  “Tiger of Asia,” binansagan itong “The Sick Man of Asia.”  Noong panahon naman ng pamumuno ni Fidel Ramos, muling namukadkad na parang rosas ang ekonomiya at panandalian na namang umeksena ang Babaeng Tigre. Matapos masundan ng panibagong mukha ng pangungurakot ang epokang ito, muling nag-disapir ang ating Tigreng minumutya. I-fast forward natin ang kadramahan sa taong 2012.

Kamakailan, kumakalat ang chismax na gumaganda na naman daw ang ekonomiya ng Pilipinas. Mula sa the Philippine Inquirer hanggang sa Bloomberg News hanggang sa New York Times, mababasa ang mga churva patungkol sa pagsulong ng Pilipinas bilang isa sa mga pinakamatarush at pinakamabalis sa pag-unlad na ekonomiya sa rehiyong Asia. Pati na rin ang ReutersTV ay nakikihalo sa chikahan. Ayon sa isang video nito, payo daw ng mga taga-Morgan Stanley sa mga investors ay isnabin daw ang Brazil, Russia, India, at China. Tukey, Indonesia, at ang Pilipinas daw ang ligawan. Aba, mukha ngang may magandang dahilan para sumaya ang mga tao sa bansa. Patuloy ang pagtaas ng halaga ng pesos. May pambili na naman ng load ang mga bagets at may pangnood na naman sa mga nilalangaw na sinehan ang madlang pipol. Pero siyempre, medyo naiirita yung mga kapitbahay nating may remittances from abroad dahil lumiliit ang dollar nila. Aba, ganun talaga!

Ang chika nina Ana Roa at TJ Burgonio sa kanilang article sa Philippine Inquirer na pinamagatang Philippine Economy Grew 5.9% in 2ndQuarter na lumabas noong August 31 (Take note, Tito Sotto of Wanbol University: Hayan hindi ko plinagiarize ‘yan at may citation ‘yan ha? At pasensiya na … hindi ko masikmurang tawagin kang “senador” at nasusuka aketch.  PWE!), kahit daw medyo bumaba mula sa 6.9% na growth ang ekonomiya ng Pilipinas noong 1st quarter, isa pa din daw ito sa mga pinakamalakas na umeeksenang ekonomiya sa Asia. Ang  Malaysia daw ay 5.4% lang.  4.7% naman ang Vietnam, 4.2% ang Thailand at 2% ang Singapore. Ang tanging lumamang lamang sa Pilipinas ay ang China na may 7.6% at Indonesia na may 6.4%. (Odivah, parang mga scores lang sa Miss Universe contest ang peg?)

Isinulat naman ni Clarissa Batimo sa Bloomberg News sa kaniyang article na pinamagatang Philippine Peso Gains A Second Day, Pares MonthlyDrop On Growth na lumabas din noong August 31 na may bagong chika daw ang isang economist sa Royal Bank of Scotland sa Singapore na si .Enrico Tanuwidjaja. Say daw nito: “ … [the]Philippine economic fundamentals remain strong and will continue to attract investments.” Parang medyo na nose-bleed yata ako dun. Pero mukhang masaya ito. Odivah mukhang madadagdagan na naman ang mga malls at call centers sa bansa? Maraming magkakatrabaho at ma-aaford na ng common people ang Starbucks. Hindi na kakailanganin ng mga barista na mag-extra serbis para lang magkabenta na parang katulad sa kadramahan sa pelikulang Kape BarakoBabaeng Tigre … ish dat u?

Sinabi din ni Floyd Whaley sa kanyang article na A Youthful Populace Helps Make the Philippines an Economic Bright Spot in Asia na lumabas naman sa New York Times noong August 27, nangako pa nga daw ang Pilipinas na magbigay ng 1 bilyong dolyar sa International Monetary Fund bilang tulong sa ilang bansang tumatagilid sa Europa. Pero teka, totoo ba ang chismax na ito? Kaninong kalabaw naman ang isasangla natin para ma-afford natin itech? Paano naman ang mga naghihikahos na kababayan natin na katulad nila Juan at Pedro? Paano na yung mga flood control churvanes na kailangang ipatupad para maprotektahan ang bayan sa susunod na Ondoy? Paano na yung mga pipol na pina-relocate sa kung saan-saan ng ating pamahalaan na hanggang sa ngayon ay wala pa ding matirhan? Puwede bang maambunan man lang sila ng kaunting tulong mula sa perang ipinamimigay nating ito? Maganda ngang tumulong … Pero mismong mga kababayan natin hanggang nagyon nangangailangan pa din ng tulong. Mga echosera kayo ha!

Ayon din sa article ni Whaley inihayag daw ng The Hong Kong and Shanghai Banking Corporation (HSBC) na ika-44 daw ang Pilipinas sa bilang ng mga may malalakas na ekonomiya sa mundo. Naeengganyo ang mga investor mula sa ibang bansa na magtayo ng negosyo sa Pilipinas. Mukhang bonggacious nga ang mga senyales na ito. Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga itech? Ano nga ba ang mangyayari kapag nagdagsaan ang mga foreign investor sa Pinas at nagtayo ng mga bagong negosyo?  Ano ang mga bentahe at disbentahe nito? Gayong siguradong may magagandang idudulot ang pagdating ng mga foreign investors sa bansa for the obvious reason na  makapagbibigay sila ng trabaho sa mga tao, paano natin masisiguro na mababantayan natin ang sariling pangangailangan ng mga mamamayan ng ating bansa? Ano nga ba ang mangyayari sa Pilipinas kapag nagdagsaan ang mga foreign investors? Kailangan pa din tayong mag-ingat at tingnan ang pangmalawakang implikasyon nito. 

Pero sa likod ng pagiging maldita at skeptical ko, siyempre bet ko pa din ang paglago ng ekonomiya ng Pinas. Aba, pag yumaman ang tao sa bansa, eh di puwede nang sila naman ang magpadala ng remittances sa mga unti-unting naghihirap na kamag-anak nila na nagkalat sa kung saan-saang lupalop ng daigdig. Excuse me ... napapagod din ang mga yun sa pag-a-ala Kuh Ledesma at sa pagbirit with matching feelings ng “Dito ba …?” Mabuti pa, pauwiin nyo na lang sila. Divah neng?  The more people in the Philippines, the merrier!  Sabi nga nila: “It’s more fun in the Philippines!”  Pero teka, magkakasya naman kaya tayong lahat sa Pinas kapag nagsipag-uwian na ang mga nasa-abroad. Aba, sisihin nyo ang mga institusyong tutol sa paggamit ng condom!

Kapag nagbalikan nga ang mga OFWs at iba pang relatives nating mula sa kung saan-saang lupalop ng daigdig, kailangan nating palakasin ang ating military upang bawiin natin sa China ang disputed territories natin sa kanila. O ‘di kaya, mas maganda, sakupin na natin ang buong ChinaLagi na lang bang mala-Nora Aunor ang drama natin? Lagi na lang bang tayo api? Lagi na lang bang tayo ang magpapasakop? Aba, panahon na para mag-ala Maricel Soriano tayo at tumili ng: “Ayoko ng masikip! Ayoko ng tinatapakan!” Tayo naman ang manakop! Gusto ko rin po namang maramdaman kung ano ang feeling ng isang imperyalista. JOKE lang po ‘yun. Bad po ‘yun. Bad po ang manakop ng ibang bayan. Huwag po nating gawin yan at baka mamatanda po tayo nyan! Huwag po nating tapakan ang mga nuno sa punso. Tabi-tabi po … Pasensiya na po! Kalimutan na po ninyong isinulat ko ang paragraph na ito. DELETE. DELETE.

On a serious note, huwag po nating kalimutan na ang mga negosyante ay negosyante. Kadalasan, ang focus ng mga foreign investors na ito ay ang kumita ng limpak-limpak na kadatungan. Siyempre, natural lang na kumita sila. Pero kailangan din nating siguruhin na makikinabang din naman ng sapat ang ating bansa at ang mga karaniwang mamamayan (Take note: Hindi mga opisyal ng pamahalaan ang sinabi ko ha?  Ang sabi ko, ang mga pangkaraniwang mamamayan!). Kailangan ng tamang regulasyon ng mga negosyong itatayo ng mga dayuhan. Kailangan mabigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa at ang mga karaniwang empleyado sa bansa.

Sa pagbabalik ng Babaeng Tigre, ating ingatan ang kapakanan ng liping manggagawang tapat na naglilingkod dito. Huwag po nating kalimutan na ang nag-aalaga at nagpapalusog sa Tigreng ito ay ang ating mga manggagawa. Mabuhay silang lahat! Happy Labor Day!