Saturday, September 1, 2012

Babaeng Tigre, Ish Dat U?


Noong nagsisimula pa lang sa pamumuno sa bansa ang dating diktador na Ferdinand Marcos, tinataguriang “Tiger of Asia” ang bansang Pilipinas dahil sa kalakasan ng ekonomiya nito. Matapos kurakutan ni Marcos at ng mga alipures nito ang bansa, nabali ang mga manikuradong kuko ng tigreng ito at bumahag ang kanyang fashionistang buntot. Mula sa title na  “Tiger of Asia,” binansagan itong “The Sick Man of Asia.”  Noong panahon naman ng pamumuno ni Fidel Ramos, muling namukadkad na parang rosas ang ekonomiya at panandalian na namang umeksena ang Babaeng Tigre. Matapos masundan ng panibagong mukha ng pangungurakot ang epokang ito, muling nag-disapir ang ating Tigreng minumutya. I-fast forward natin ang kadramahan sa taong 2012.

Kamakailan, kumakalat ang chismax na gumaganda na naman daw ang ekonomiya ng Pilipinas. Mula sa the Philippine Inquirer hanggang sa Bloomberg News hanggang sa New York Times, mababasa ang mga churva patungkol sa pagsulong ng Pilipinas bilang isa sa mga pinakamatarush at pinakamabalis sa pag-unlad na ekonomiya sa rehiyong Asia. Pati na rin ang ReutersTV ay nakikihalo sa chikahan. Ayon sa isang video nito, payo daw ng mga taga-Morgan Stanley sa mga investors ay isnabin daw ang Brazil, Russia, India, at China. Tukey, Indonesia, at ang Pilipinas daw ang ligawan. Aba, mukha ngang may magandang dahilan para sumaya ang mga tao sa bansa. Patuloy ang pagtaas ng halaga ng pesos. May pambili na naman ng load ang mga bagets at may pangnood na naman sa mga nilalangaw na sinehan ang madlang pipol. Pero siyempre, medyo naiirita yung mga kapitbahay nating may remittances from abroad dahil lumiliit ang dollar nila. Aba, ganun talaga!

Ang chika nina Ana Roa at TJ Burgonio sa kanilang article sa Philippine Inquirer na pinamagatang Philippine Economy Grew 5.9% in 2ndQuarter na lumabas noong August 31 (Take note, Tito Sotto of Wanbol University: Hayan hindi ko plinagiarize ‘yan at may citation ‘yan ha? At pasensiya na … hindi ko masikmurang tawagin kang “senador” at nasusuka aketch.  PWE!), kahit daw medyo bumaba mula sa 6.9% na growth ang ekonomiya ng Pilipinas noong 1st quarter, isa pa din daw ito sa mga pinakamalakas na umeeksenang ekonomiya sa Asia. Ang  Malaysia daw ay 5.4% lang.  4.7% naman ang Vietnam, 4.2% ang Thailand at 2% ang Singapore. Ang tanging lumamang lamang sa Pilipinas ay ang China na may 7.6% at Indonesia na may 6.4%. (Odivah, parang mga scores lang sa Miss Universe contest ang peg?)

Isinulat naman ni Clarissa Batimo sa Bloomberg News sa kaniyang article na pinamagatang Philippine Peso Gains A Second Day, Pares MonthlyDrop On Growth na lumabas din noong August 31 na may bagong chika daw ang isang economist sa Royal Bank of Scotland sa Singapore na si .Enrico Tanuwidjaja. Say daw nito: “ … [the]Philippine economic fundamentals remain strong and will continue to attract investments.” Parang medyo na nose-bleed yata ako dun. Pero mukhang masaya ito. Odivah mukhang madadagdagan na naman ang mga malls at call centers sa bansa? Maraming magkakatrabaho at ma-aaford na ng common people ang Starbucks. Hindi na kakailanganin ng mga barista na mag-extra serbis para lang magkabenta na parang katulad sa kadramahan sa pelikulang Kape BarakoBabaeng Tigre … ish dat u?

Sinabi din ni Floyd Whaley sa kanyang article na A Youthful Populace Helps Make the Philippines an Economic Bright Spot in Asia na lumabas naman sa New York Times noong August 27, nangako pa nga daw ang Pilipinas na magbigay ng 1 bilyong dolyar sa International Monetary Fund bilang tulong sa ilang bansang tumatagilid sa Europa. Pero teka, totoo ba ang chismax na ito? Kaninong kalabaw naman ang isasangla natin para ma-afford natin itech? Paano naman ang mga naghihikahos na kababayan natin na katulad nila Juan at Pedro? Paano na yung mga flood control churvanes na kailangang ipatupad para maprotektahan ang bayan sa susunod na Ondoy? Paano na yung mga pipol na pina-relocate sa kung saan-saan ng ating pamahalaan na hanggang sa ngayon ay wala pa ding matirhan? Puwede bang maambunan man lang sila ng kaunting tulong mula sa perang ipinamimigay nating ito? Maganda ngang tumulong … Pero mismong mga kababayan natin hanggang nagyon nangangailangan pa din ng tulong. Mga echosera kayo ha!

Ayon din sa article ni Whaley inihayag daw ng The Hong Kong and Shanghai Banking Corporation (HSBC) na ika-44 daw ang Pilipinas sa bilang ng mga may malalakas na ekonomiya sa mundo. Naeengganyo ang mga investor mula sa ibang bansa na magtayo ng negosyo sa Pilipinas. Mukhang bonggacious nga ang mga senyales na ito. Pero ano ba talaga ang ibig sabihin ng mga itech? Ano nga ba ang mangyayari kapag nagdagsaan ang mga foreign investor sa Pinas at nagtayo ng mga bagong negosyo?  Ano ang mga bentahe at disbentahe nito? Gayong siguradong may magagandang idudulot ang pagdating ng mga foreign investors sa bansa for the obvious reason na  makapagbibigay sila ng trabaho sa mga tao, paano natin masisiguro na mababantayan natin ang sariling pangangailangan ng mga mamamayan ng ating bansa? Ano nga ba ang mangyayari sa Pilipinas kapag nagdagsaan ang mga foreign investors? Kailangan pa din tayong mag-ingat at tingnan ang pangmalawakang implikasyon nito. 

Pero sa likod ng pagiging maldita at skeptical ko, siyempre bet ko pa din ang paglago ng ekonomiya ng Pinas. Aba, pag yumaman ang tao sa bansa, eh di puwede nang sila naman ang magpadala ng remittances sa mga unti-unting naghihirap na kamag-anak nila na nagkalat sa kung saan-saang lupalop ng daigdig. Excuse me ... napapagod din ang mga yun sa pag-a-ala Kuh Ledesma at sa pagbirit with matching feelings ng “Dito ba …?” Mabuti pa, pauwiin nyo na lang sila. Divah neng?  The more people in the Philippines, the merrier!  Sabi nga nila: “It’s more fun in the Philippines!”  Pero teka, magkakasya naman kaya tayong lahat sa Pinas kapag nagsipag-uwian na ang mga nasa-abroad. Aba, sisihin nyo ang mga institusyong tutol sa paggamit ng condom!

Kapag nagbalikan nga ang mga OFWs at iba pang relatives nating mula sa kung saan-saang lupalop ng daigdig, kailangan nating palakasin ang ating military upang bawiin natin sa China ang disputed territories natin sa kanila. O ‘di kaya, mas maganda, sakupin na natin ang buong ChinaLagi na lang bang mala-Nora Aunor ang drama natin? Lagi na lang bang tayo api? Lagi na lang bang tayo ang magpapasakop? Aba, panahon na para mag-ala Maricel Soriano tayo at tumili ng: “Ayoko ng masikip! Ayoko ng tinatapakan!” Tayo naman ang manakop! Gusto ko rin po namang maramdaman kung ano ang feeling ng isang imperyalista. JOKE lang po ‘yun. Bad po ‘yun. Bad po ang manakop ng ibang bayan. Huwag po nating gawin yan at baka mamatanda po tayo nyan! Huwag po nating tapakan ang mga nuno sa punso. Tabi-tabi po … Pasensiya na po! Kalimutan na po ninyong isinulat ko ang paragraph na ito. DELETE. DELETE.

On a serious note, huwag po nating kalimutan na ang mga negosyante ay negosyante. Kadalasan, ang focus ng mga foreign investors na ito ay ang kumita ng limpak-limpak na kadatungan. Siyempre, natural lang na kumita sila. Pero kailangan din nating siguruhin na makikinabang din naman ng sapat ang ating bansa at ang mga karaniwang mamamayan (Take note: Hindi mga opisyal ng pamahalaan ang sinabi ko ha?  Ang sabi ko, ang mga pangkaraniwang mamamayan!). Kailangan ng tamang regulasyon ng mga negosyong itatayo ng mga dayuhan. Kailangan mabigyan ng proteksiyon ang mga manggagawa at ang mga karaniwang empleyado sa bansa.

Sa pagbabalik ng Babaeng Tigre, ating ingatan ang kapakanan ng liping manggagawang tapat na naglilingkod dito. Huwag po nating kalimutan na ang nag-aalaga at nagpapalusog sa Tigreng ito ay ang ating mga manggagawa. Mabuhay silang lahat! Happy Labor Day!

No comments:

Post a Comment