![]() |
Image Source: njuice.com |
Ilang
daang taon na ang nakararaan magmula noong dumating ang mga kastila at sinakop
ang mga kapuluan ng Pilipinas sa ngalan ng relihiyon. Pag-alis ng mga opisyales
ng Espanya sa bansa, nasakop na din tayo ng iba pang nasyon na katulad ng
Estados Unidos at ng Hapon. Marami nang nangyari sa ating kasaysayan. Nakapagdeklara
na tayo ng ating “kalayaan.” Pero, ang tanong, totoo nga bang tayo’y nakawala
na sa impluwensiya ng Espanya? O
kontrolado pa rin ba tayo ng relihiyong kanilang dinala sa ating bansa?
Nakalimutan na ba natin ang nakamumuhing impluwensiya ni Padre Damaso at ng mga
katulad nito?
Naniniwala
ako sa tinatawag na “freedom of religion.”
Sang-ayon ako na ang bawa’t nilalang ay may karapatang mamili sa kung
anupamang gusto niyang paniwalaan basta lang hindi natatapakan ang indibidwal
na karapatan ng iba sa pagpapasatupad niya sa kaniyang personal na
pananampalataya. At dahil ang bawa’t mamamayan
ay may karapatan sa “freedom of religion,” may responsibilidad ang estado na
protektahan ito. Upang magawa ito ng estado, kinakailangang maipakita nito na
ang pamahalaan ay walang kinikilingang relihiyon—na ang mga batas at panukala
ng estado ay hindi nababatay sa anumang pananampalatayang relihiyoso kundi sa praktikal
na pagsusuri sa ikabubuti ng sambayanan.
![]() |
Image Source: Borderless News and Views |
Sa
ilang mga pangyayari kamakailan, maliwanag na ang karamihan sa aparatus ng
estado ng bansang Pilipinas ay patuloy na nagpapasaklaw sa impluwensiya ng
isang partikular na relihiyon—ang relihiyong Katoliko. Isang halimbawa na dito ang pagsasangguni ng
pamahalaan sa Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) tungkol sa
pinagtatalunang R.H. Bill sa senado. Ayon sa isang lathala sa Rappler ni
sinulat ni Carmela Fonbuena noong Sept. 4 na pinamagatang Gov't, Church to Draft Compromise R.H. Bill, iniimbitahan daw ng Malacanang ang CBCP upang tumulong
sa pagrerebisa ng bill na naturan.
Ang
CBCP ay malakas ang pagtutol sa R.H. Bill.
Ang pangunahing dahilan sa pagtutol nito ay batay sa kuwestiyon ng
moralidad ayon sa kanilang pananampalataya. Ito ay maliwanag na inihayag ni
Jose Palma, Presidente ng naturang organisasyon. Ayon sa kaniya, ang R.H. Bill daw ay salungat
sa mga turo ng Simbahang Katoliko. Pero
sapat na bang dahilan ito para maging basehan sa ating pagpapanday ng mga batas at panukala sa
bansa? Dapat din ba silang makialam sa pangangampanya ng mga kandidato ayon sa
mga paniniwala ng mga ito? Ayon sa isang report ni Erwin Aguilon ng Radyo Inquirer noong May 15, nananawagan daw ang CBCP na huwag iboto ang mga politikong sumusuporta
sa R.H. Bill. Nararapat bang kontrolin ng impluwensiya ng simbahan ang sambayanang
Pilipino? Hindi lahat ng tao sa bansa ay
Katoliko at maging ang mga Katoliko mismo ay hindi lahat sumasang-ayon sa
posisyong pinaninindigan ni Palma at ng R.H. Bill. Isa sa mga pruweba nito ay ang
lantarang pagsuporta sa R.H. Bill ng mga guro na nagtuturo sa mga pamantasang
katolikong tulad ng Ateneo at La Salle.
Ang
pag-iimbita ng Malacanang sa CBCP sa usaping politikal ay isang maliwang na
pagsalungat sa diwa ng “freedom of religion.” Huwag nating hayaang gawin ng estado
ito. Kailangan nating maging masigasig sa pagbabantay sa protekisyon ng
karapatan ng ating sambayanan. Huwag
nating hayaang masaklaw ng mga pakialamerong katulad ng CBCP at ni Palma ang
pagsasagawa ng mga panukala sa bansa. Huwag nating kalilimutan na noong dumating
ang mga kastila at sinakop tayo, relihiyon ang isa sa mga ginamit nilang
sandata para mapasailalim tayo sa kanilang mga mapanlupig na kamay. Huwag nating hayaan na patuloy na saklawin ng
impluwensiya ng relihiyong ito ang mga indibidwal na karapatang pangtao ng
ating mga mamamayan. Huwag nating hayaang patuloy na makialam ang mga mae-epal na tulad ni
Padre Damaso.
No comments:
Post a Comment